Tagalog Bibles (BIBINT)
ƒ^ƒKƒƒOŒêV–ñ¹‘
Mga Gawa 27
Naglayag si Pablo Papunta sa Roma
1Nang ipasiya na kami ay maglalayag na patungong Italia, si Pablo at ang ibang mga bilanggo ay ibinigay sa isang kapitan. Ang pangalan ng senturyon ay Julio, mula sa balangay ng Emperador Augusto. 2Sumakay kami sa isang barko na mula sa Adrameto. Ito ay maglalayag na sa mga dakong nasa Asya. Kasama namin si Aristarco na isang taga-Macedonia mula sa Tesalonica.
3Nang sumunod na araw, dumaong kami sa Sidon. Si Julio ay nagpakita ng kagandahang-loob kay Pablo. Pinahintulutan niya siyang pumunta sa kaniyang mga kaibigan upang matanggap niya ang kanilang pagmamalasakit. 4Nang kami ay maglayag muli buhat doon, naglayag kaming nanganganlong sa Chipre sapagkat pasalungat ang hangin. 5Nang matawid na namin ang dagat na nasa tapat ng Cilicia at Pamfilia, dumating kami sa Mira ng Licia. 6Doon ay nasumpungan ng kapitan ang isang barko na mula sa Alexandria. Ito ay maglalayag patungong Italia. Inilulan niya kami roon. 7Maraming araw kaming naglayag na marahan at may kahirapan naming narating ang tapat ng Cinido. Hindi kami tinulutan ng hangin na makasulong pa kaya naglayag kami na nanganganlong sa Creta. Ito ay nasa tapat ng Salmonte. 8Sa pamamaybay namin dito, may kahirapan kaming nakarating sa isang dakong tinatawag na Mabuting Daungan. Malapit doon ang lungsod ng Lasea.
9Nang makalipas ang mahabang panahon, ang paglalayag ay nagiging mapanganib na. At dahil ang pag-aayuno ay nakalampas na, pinayuhan sila ni Pablo. 10Sinabi sa kanila: Mga ginoo, nakikinita kong ang paglalayag na ito ay makakapinsala at magiging malaking kawalan. Hindi lamang sa lulan at sa barko kundi sa atin ding mga buhay. 11Ngunit higit na pinaniwalaan ng kapitan ang taga-ugit at ang may-ari ng barko kaysa sa mga sinabi ni Pablo. 12Sa dahilang hindi mabuting hintuan sa tag-ulan ang daungan, ipinayo ng nakakarami na maglayag na mula roon. Nagbabaka-sakali silang sa anumang paraan ay makarating sila sa Fenix. Doon nila gugugulin ang tag-ulan. At iyon ay daungan ng Creta na nakaharap sa dakong timugang-kanluran at hilagang-kanluran.
Ang Malakas na Bagyo
13Nang marahang umihip ang hanging timugan, inakala nilang maisasagawa nila ang kanilang hangarin. Itinaas nila ang angkla at namaybay sa baybayin ng Creta. 14Ngunit hindi nagtagal, humampas doon ang malakas na hangin na tinatawag na Euroclidon. 15Nang hinampas ng hangin ang barko at hindi makasalungat sa hangin, nagpadala na lang kami sa hangin. 16Kami ay nagkubli sa isang maliit na pulo na tinatawag na Clauda. At nahirapan kami na isampa ang bangkang-pangkagipitan. 17Nang maisampa na ito, gumamit sila ng mga pantulong. Tinalian nila ang ibaba ng barko. At sa takot na baka masadsad sa look ng Sirte, ibinaba nila ang mga layag at sa gayon ay nagpaanod sila. 18Ngunit patuloy kaming hinahampas at ipinapadpad ng lubhang malakas na hangin sa magkabila. Kinabukasan, nagsimula na silang magtapon ng kanilang lulan sa dagat. 19Nang ikatlong araw, itinapon ng aming mga kamay ang mga kagamitan ng barko. 20At maraming araw na hindi namin nakita ang araw ni ang mga bituin man. Napakalakas na bagyo ang dumaan sa amin kaya nawalan na kami ng pag-asa na makakaligtas pa.
21Nang matagal na silang hindi kumain, tumayo nga si Pablo sa kanilang kalagitnaan. Sinabi niya: Mga ginoo, nakinig sana kayo sa akin at hindi tayo naglayag muli sa Creta. Kung nakinig sana kayo, hindi natin nakamtan ang kapinsalaan at ang kawalang ito. 22Ngayon, ipinapayo ko sa inyo na lakasan ninyo ang inyong loob sapagkat walang buhay na mapapahamak sa inyo kundi ang barko lamang. 23Ito ay sapagkat ngayong gabi tumayo sa tabi ko ang isang anghel mula sa Diyos na nagmamay-ari sa akin at siyang aking pinaglilingkuran. 24Sinabi niya: Pablo, huwag kang matakot. Kinakailangang humarap ka kay Cesar. Narito, ipinagkaloob sa iyo ng Diyos ang lahat ng kasama mo sa paglalayag. 25Kaya nga, mga ginoo lakasan ninyo ang inyong loob sapagkat sumasampalataya ako sa Diyos at mangyayari ang ayon sa sinalita sa akin. 26Ngunit kailangang tayo ay mapasadsad sa isang pulo.
Nawasak ang Barko
27Nang sumapit ang ikalabing-apat na gabi, ipinadpad kami ng hangin paroo’t parito sa Adriatico. Nang maghahating gabi na, inakala ng mga magdaragat na nalalapit na sila sa isang lupain. 28Tinarok nila at nasumpungang may dalawampung dipa ang lalim. Nang makalayo sila ng kaunti, muli nilang tinarok at nasumpungang may labinlimang dipa ang lalim. 29Sa takot nilang mapasadsad sa batuhan, naghulog sila ng apat na angkla sa hulihan. Hinahangad nila na mag-umaga na sana. 30Ngunit nagpupumilit ang mga magdaragat na makatakas sa barko. Nagpakunyari sila na ihuhulog nila ang mga angkla sa unahan. 31Sinabi ni Pablo sa kapitan at sa mga kawal: Maliban na manatili ang mga ito sa barko, kayo ay hindi makakaligtas. 32Kaya pinutol ng mga kawal ang mga lubid ng bangkang-pangkagipitan at pinabayaan itong mahulog.
33Nang mag-uumaga na, ipinamanhik ni Pablo sa lahat na kumain. Sinabi niya: Ngayon ay ikalabing-apat na araw na kayo ay naghihintay. Hindi kayo kumakain at walang tinatanggap na anuman. 34Kaya nga, ipinamamanhik ko sa inyo na kayo ay kumain dahil ito ay makakatulong na makalagpas kayo sa sakunang ito. Ito ay sapagkat isa mang buhok ay hindi malalagas mula sa ulo ng sinuman sa inyo. 35Nang masabi na niya ang mga bagay na ito, kumuha siya ng tinapay. Nagpasalamat siya sa Diyos sa harapan ng lahat. Pinagputul-putol niya ito at nagsimulang kumain. 36Nang magkagayon, lumakas ang loob ng lahat. Sila namang lahat ay kumuha din ng pagkain. 37Kaming lahat na nasa barko ay dalawang daan at pitumpu’t anim na kaluluwa. 38Nang mabusog na sila, pinagaan nila ang barko. Itinapon nila sa dagat ang trigo.
39Kinabukasan, hindi nila makilala ang lupain. Ngunit nabanaagan nila ang isang look ng dagat na may baybayin. Sila ay nag-usap kung maaari nilang maisadsad ang barko mula doon. 40Pinutol nila ang lubid ng angkla at pinabayaan nila sa dagat. Kasabay nito ay kinakalag nila ang mga tali ng mga timon. Pagkataas ng layag sa unahan ay tinungo nila ang pampang paayon sa ihip ng hangin. 41Ngunit pagdating sa isang dako na pinagsasalubungan ng dalawang dagat, isinadsad nila ang unahan ng barko. Ito ay tumigil at hindi na kumikilos. Ngunit nagpasimulang mawasak ang hulihan dahil sa kalakasan ng mga alon.
42Ang balak ng mga kawal ay pagpapatayin ang mga bilanggo. Baka mayroong makalangoy palayo at makatakas. 43Subalit sa kagustuhang ng kapitan na iligtas si Pablo, ay pinigil niya sila sa gusto nilang gawin. Iniutos niya sa kanila: Sinuman ang marunong lumangoy ay tumalon nang una at nang makarating sa lupa. 44Sa mga naiwan, ang iba ay sa mga tabla at ang iba naman ay sa mga bagay na galing sa barko. Sa ganitong paraan, ang lahat ay nakarating nang ligtas hanggang sa lupa.
Tagalog Bible Menu